Sabado, Disyembre 22, 2018

Keso de Bola



Hango sa wikang Kastila na queso de bola, ito ay hugis bola na dilaw na keso na nababalutan ng wax. Karaniwang makikita sa hapag ng pamilyang Pilipino ang keso de bola sa panahon ng kapaskuhan kasama ng iba pang handang pang-noche buena tulad ng leche flanhamon at lechon.


Huwebes, Disyembre 20, 2018

Hamon ng Noche Buena


Tampok sa hapag ng pinoy tuwing sasapit ang Noche Buena ang hamon.

Naging tradisyon na nating mga Pilipino na mag-handa ng hamon o "honey-cured ham" sa ating mga hapag tuwing sasapit ang noche buena ("magandang gabi" sa wikang kastila) o bisperas ng pasko. Lalong patok sa Pinoy kung ang nakahain na hamon ay malambot at manamisnamis. Karaniwang kasama ng hamon sa hapag ng Pinoy tuwing noche buena ang leche flanlechon at keso de bola.

Pambansang Pagkain ng Pilipinas, Lechon



Itinuturing na Pambansang Pagkain ng Pilipinas ang lechon. Ang lechon ay hango sa salitang kastila na ang ibig sabihin ay sanggol na baboy/biik.

Noong araw, ang pagluluto ng lechong baboy ay isang aktibidad ng mga magkakamag-anak o magkakanayon sa komunidad.

Tinutuhog ng kawayan ang buong katawan ng baboy at matapos alisan ng lamang-loob, nilalagyan  ang loob nito ng mga rekado tulad ng pandan at sibuyas. Kailangan ding lamasan ng asin ang buong katawan nito.

Pagkatapos ay iniluluto na ito sa ibabaw ng nagbabagang uling habang iniikot gamit ang nakatuhog na kawayan. Kailangang pahidan din ito ng mantika para maging malutong ang balat.


Kapag luto na, ipinapatong ito sa lechon tray bilang pangunahing bida sa hapag ng Pinoy tuwing kapistahan, ganun na rin sa mga espesyal na pagdiriwang tulad ng kasal, kaarawan at lalung-lalo na sa noche buena kung saan tampok rin ang hamon at keso de bola.



Lechon Tray



Karaniwang nililok sa hugis rin ng lechon baboy, ang lechon tray ay yari sa matibay na kahoy tulad ng narra, magkuno at gimelina. Ginagamit ito upang itampok ang handang lechon sa hapag-kainan.


Maligayang Pasko

Tradisyong Pilipino ang paglalagay ng makukulay na parol sa panahon ng kapaskuhan.
Simbolo ng Paskong Pilipino ang parol. Hango ito sa salitang kastila na farol na ang ibig sabihin sa ingles ay lantern. Kumakatawan ito sa bituin ng Bethlehem na siyang tumanglaw at gumabay sa mga pastol upang matunton ang kinaroroonan ng bagong silang na Mesiyas.

Tuwing pasko ay makikita ang parol sa mga bintana ng pamilyang Pilipino. Noong panahon ng ating mga lolo at lola, ang pamilya ang nagtutulong-tulong upang lumikha ng sarili nilang parol na karaniwang yari sa biodegradable materials tulad ng papel de hapon, mga stick ng kawayan at pandikit na likha sa gawgaw. Ang tradisyonal na parol ay hugis bituin na may limang sinag at karaniwang may buntot na kumakatawan sa tanglaw nito.

Sa kasalukuyan marami nang disenyo na mapagpipilian. Mayroong yari sa foil, plastic at capiz. Sikat ang Pampanga sa paggawa ng sari-saring naiilawang parol

Biyernes, Disyembre 14, 2018

Mga Kakanin ng Hapag Pinoy


Hindi mawawala sa hapag nating mga Pilipino tuwing sasapit ang kapaskuhan ang mga kakanin na kinagisnan na natin. Gaya na lamang ng palitaw, puto at kutsinta, suman, pichi-pichi, biko, sapin-sapin at lalong-lalo na ang bibingka at puto bumbong.

Huwebes, Disyembre 13, 2018

Palitaw

Sweet Flat Rice Cake

Tradisyonal na meryendang pinoy ang palitaw. Gawa ito sa galapong na pagkatapos bilugin sa mga palad ay hinuhugis naman nang palapad na tila dila at hinuhulog sa kumukulong tubig. Kapag luto na  ay lumulutang ito sa ibabaw kaya naman tinawag itong "palitaw". Paghango mula sa tubig ay sinasala ito at pagkatapos ay binubudbudan ng kinudkod na niyog at asukal na pula.

Leche Flan


Ang Leche Flan na paboritong panghimagas ng mga Pinoy lalo na sa handaan ay pinaniniwalaang nagmula pa sa panahon ng mga kastila. Ang salitang leche ay gatas ang ibig sabihin sa kastila at ang flan naman ay nangangahulugan ng malinamnam at matamis na pangpuno. 

Ayon sa mga historyador, ginagamit noong panahon ng mga kastila ang puti ng itlog bilang materyales sa pagtayo ng mga simbahan; dahil doon nabuo ang teoryang ang mga pula ng mga itlog na iyon ang ginamit upang malikha ng ating mga ninuno ang leche flan.

Mga pula ng itlog ang pangunahing sangkap ng leche flan, kasama ang gatas at pinalapot na pulang asukal. Noong panahon ng ating mga ninuno, pinaniniwalang gatas ng kalabaw ang hinahalo dito.

Ube Halaya

Ipinagmamalaking panghimagas ng mga Pinoy na tanyag na sa ibang bansa ang ube halaya.

Galing sa salitang kastila na jalea o jam, ang ube halaya ay katutubong panghimagas nating mga Pinoy. Pinapakuluan muna ang ube hanggang lumambot. Pagkatapos, binabalatan ito, ginagadgad at hinahaluan ng gatas at keso.

Nakagawian na itong lutuin ng pamilyang Pilipino kapag may espesyal na okasyon kung saan nagkakasama-sama ang magkakamag-anak. Pinaghahalo ang mga sangkap sa isang kawa at niluluto sa kalang de uling. Malimit ring naghahalinhinan ang mga miyembro ng pamilya sa paghalo nito na umaabot rin ng treinta minutos.

Tampok na sangkap ang ube halaya sa halu-halo kasama ng leche flan na parehong ipinapatong sa ibabaw ng kinaskas na yelo nito.

Sa ngayon kilala na ang ube halaya maging sa ibang bansa bilang panghimagas at panghalong flavor sa iba't ibang klase pang panghimagas native man o banyaga tulad ng donut at ice cream sandwich.

Miyerkules, Disyembre 12, 2018

Suman

Suman sa Ibos, gawa sa malagkit na binalot sa dahon ng buri o ibos sa Ilonggo
Sari-saring klase ng suman ang matatagpunan sa iba't ibang rehiyon ng bansa, karaniwang sangkap nito ay malagkit ngunit may suman din na gawa sa kamoteng kahoy. Pinapakuluan ang malagkit hanggang umalsa at maluto, madalas itong haluan ng gata ng niyog at konting asin, at pagkatapos ay binabalot sa dahon ng saging o buri. Kung minsan ito'y hinahaluan ng langka o ng iba pang sangkap depende sa rehiyon dito sa Pilipinas.

Sapin-sapin


Tinawag na sapin-sapin ang kakanin na ito dahil sa patong-patong at iba-ibang kulay na bahagi nito. Pinaniniwalang ang lutuing ito ay nagmula sa Abra.

Ang malagkit na bigas ay hinahaluan ng sangkap na ube para sa kulay lila na bahagi nito. Langka naman ang hinahalo sa kulay dilaw nitong patong at ang puti naman ay plain. Madalas itong hinahain sa bilao na may sapin na dahon ng saging. Bago kainin ay binubudbudan ito ng maraming latik sa ibabaw para lalong maging malinamnam.

Pichi-pichi


Panghimagas na patok sa ating mga Pinoy ang pichi-pichi, gawa ito sa kinudkod na kamoteng kahoy o cassava na may asukal at lihiya. Katulad ng iba pang mga kakanin ito ay steamed at inihahain na may budbod ng kinudkod na niyog.

Martes, Disyembre 11, 2018

Biko

Sticky Rice Cake

Gawa sa malagkit at gata ng niyog, kinamulatan na nating mga Pilipino ang pagkain ng biko. Sinasabing mainam na may handang malagkit kapag may espesyal na okasyon para mas maging madikit lalo ang pagsasama ng pamilya at ito ang kinakatawan ng minahal na nating biko sa ating hapag-kainan.

Antigong Bote



Malimit na makikita sa isang tradisyonal na kusinang pinoy ang ilang malalaking bote. Ginagamit kasi itong sisidlan ng ating mga lolo at lola ng mga likido sa kusina gaya ng suka na maaaring nanggaling sa sarili nilang puno ng niyog. Hindi karaniwan noon ang paggamit ng plastic container sa mga produkto na mabibili sa merkado. Sa ngayon masasabing collectibles at antigo na ang mga bote na katulad nito. 

Bilao


Ang bilao ay karaniwan nang makikita noon sa mga kabahayan ng pamilyang Pilipino. Ito kasi ang ginagamit ng ating mga ninuno para sa pagtatahip ng bigas bago ito isaing. Sa ekspertong mga kamay, napakadali lang ihiwalay ang mga dumi sa bigas tulad ng nahalong palay, ipa at maliliit na bato  sa pamamagitan ng pagtatahip o paggalaw sa bilao ng pataas baba nang may bahagyang pwersa. Sa labas ng bahay ito ginagawa upang deretso sa lupa ang mga mahuhulog na palay at ipa na siya namang tutukain ng mga manok at sisiw na kalimitang pagagala-gala sa bakuran ng mga kabahayan noong araw.

Ang mga manlalako ng mga kakanin at iba pang meryenda ay bilao rin ang gamit sa pagtitinda. Sinasapinan ng dahon ng saging ang bilao bago ilatag dito ang mga kakaning tulad ng biko at sapin-sapin at at dahon rin ng saging ang ipantatakip dito.

Sa kasalukuyan, makikita natin ang bilao bilang gamit sa pagtitinda ng mga gulay at prutas sa palengke. Karaniwan ding sa bilao nilalagay ang mga binebentang pansit at palabok sa mga restawran na may kaukulang laki depende sa sukat at presyo ng bibilhin. 

Palayok



 Ang palayok o clay pot ang madalas na gamit sa pagluluto ng ating mga lolo at lola. Ito ay yari sa luwad at may iba't ibang laki. Madalas na kaparehas nito ang kalang ginagamitan ng panggatong o ang tinatawag na kalan de uling.

Native na Sandok

Bugtong: "Ang ulo'y nalalaga ang katawa'y pagala-gala."

Sagot: Sandok


Karaniwang gawa sa bao ng niyog ang sinaunang native na sandok. Ang tangkay naman ay yari sa kawayan, mayroong mababaw at mayroon ding malalim na para sa sabaw.

Tapayan



Linggo, Disyembre 9, 2018

Bibingka

Bugtong: "Nagsaing si Insiong, nasa ibabaw ang tutong."

Baked Rice Cake

Paboritong meryenda ng mga Pilipino ang bibingka. Ang tradisyonal na paggawa nito ay ginagamitan ng espesyal na lutuan.

Tulad ng karamihan ng iba pang kakanin, gawa ito sa galapong at gata ng niyog. Karaniwan itong itinatampok tuwing panahon ng kapaskuhan bilang almusal pagka-galing sa pagsisimba.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...