Ang bilao ay karaniwan nang makikita noon sa mga kabahayan ng pamilyang Pilipino. Ito kasi ang ginagamit ng ating mga ninuno para sa pagtatahip ng bigas bago ito isaing. Sa ekspertong mga kamay, napakadali lang ihiwalay ang mga dumi sa bigas tulad ng nahalong palay, ipa at maliliit na bato sa pamamagitan ng pagtatahip o paggalaw sa bilao ng pataas baba nang may bahagyang pwersa. Sa labas ng bahay ito ginagawa upang deretso sa lupa ang mga mahuhulog na palay at ipa na siya namang tutukain ng mga manok at sisiw na kalimitang pagagala-gala sa bakuran ng mga kabahayan noong araw.
Ang mga manlalako ng mga kakanin at iba pang meryenda ay bilao rin ang gamit sa pagtitinda. Sinasapinan ng dahon ng saging ang bilao bago ilatag dito ang mga kakaning tulad ng biko at sapin-sapin at at dahon rin ng saging ang ipantatakip dito.
Sa kasalukuyan, makikita natin ang bilao bilang gamit sa pagtitinda ng mga gulay at prutas sa palengke. Karaniwan ding sa bilao nilalagay ang mga binebentang pansit at palabok sa mga restawran na may kaukulang laki depende sa sukat at presyo ng bibilhin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento