Sabado, Marso 14, 2020

Pambansang Puno: Nara


Narra Tree/ Pterocarpus indicus
Idineklara bilang Pambansang Puno ng Pilipinas ang puno ng nara o Narra Tree noong 1934 ng noo'y gobernador heneral ng Gobyerno Insular ng Pilipinas na si Frank Murphy sa bisa ng Proklamasyon bilang 652. *

Sinisimbolo ng punong ito ang pagiging matatag ng mga Pilipino lalo't isa sa katangian nito ang pagiging termite resistant bukod pa sa pagiging matigas at matibay nito. Itinuturing na simbolo rin ng karangyaan o "status symbol" ang pagkakaroon ng mga muwebles na yari sa nara dahil ito ay dekalidad at may kamahalan.

Tinatangkilik at kinakalakal rin ito sa ibang bansa hanggang dekada '80 kaya naman unti-unting namiligro ang bilang ng mga punong ito sa ating bansa. Taong 1987 nang sinimulang ipagbawal  ang pagputol at pagkalakal nito sa ibang bansa. *

Huwebes, Pebrero 28, 2019

Pambansang Sport: Arnis

National Martial Art and Sport: Arnis (Eskrima/Kali)
Idineklara bilang opisyal na pambansang Martial Art at Sport ang arnis noong ika 11 ng Disyembre, 2009. Isa itong uri ng pakikipaglaban na sa modernong panahon ay nakatuon sa paggamit ng simpleng kahoy na armas na karaniwang yari sa kamagong.

Sinasabing bago pa dumating ang mga kastila, mayroon nang paraan ang ating mga ninuno sa pakikipaglaban gamit ang kanilang mga katutubong sandata tulad ng kampilan, kris at sibat. Nang tuluyang masakop ng mga kastila ang ating bansa, ipinagbawal nila ang paggamit sa mga ito. Gayunpaman nagpatuloy ang pagsasalinglahi ng nasabing sining sa pamamagitan ng paggamit ng mga patpat na rattan. Binuhay din ito sa mga katutubong sayaw at sa dulang moro-moro kung saan ipinapakita ang paglalabanan ng mga katutubo at mga kastilang mananakop.

Sa pagdaan ng panahon ay nabuo at nalinang ang sining ng arnis sa pamamagitan ng mga maestro na nagpanatili, nagsabuhay at nagturo nito sa bagong mga henerasyon.

source *

Miyerkules, Pebrero 20, 2019

Pambansang Sasakyan: Kalesa

Kalesa'y may pang-akit na taglay
maginhawa't di maalinsangan
nakakahalina kung pagmasdan
kalesa ay pambayang sasakyan
~"Kalesa" (Philippine Folk Song)
Kompositor: Ambrosio del Rosario
Titik: Levi Celerio
A horse-drawn Philippine transport, also called Karitela
Panahon ng mga Kastila nang magsimulang magbaybay ang calesa, (na ngayo'y kalesa) ang sasakyang hinihila ng kabayo sa lansangan ng mga pangunahing lungsod dito sa ating bansa. Ang mga ito ay  gamit noon ng mga ilustrado o mga mamamayang nakaririwasa sa kanilang personal na paglalakbay. 

Dumami at naging pangkaraniwan ang gamit nito bilang pampublikong transportasyon sa Maynila noong panahon ng mga Amerikano.  Ang nagmamaneho dito ay tinatawag na kutsero (mula sa salitang Kastila na cochero na ang ibig sabihin ay taga-maneho ng kotse).*

Sa ngayon makikita ang mga kalesa sa mga dinadayong bahagi ng bansa o mga tourist spots tulad ng Intramuros, Luneta o Rizal Park at Vigan. Mayroon pa ring kalesa na matatagpuan sa Binondo at sa mangilan-ngilang probinsya dito sa Pilipinas.

Miyerkules, Pebrero 13, 2019

Pambansang Dahon: Anahaw

Round-leaf Fountain Palm/ Saribus rotundifolius
Isang uri ng palma ang anahaw na karaniwang nasa 5-8 metro ang taas. Ginagamit ito bilang ornamental na halaman sa mga landscaped na hardin kung saan nagiging limitado ang paglaki nito. 

Maraming gamit ang dahon ng anahaw para sa pang-araw-araw na buhay nating mga Pilipino: bilang pambalot ng pagkain, pangbubong sa bahay kubo, abaniko, sumbrero at dekorasyon sa mga espesyal na okasyon.

Lunes, Pebrero 11, 2019

Pambansang Ibon: Agila

Philippine Eagle/ Haribon
Haribon o hari ng mga ibon kung tawagin nating mga Pilipino ang Philippine Eagle. Katutubo ito sa mga kagubatan ng Pilipinas partikular sa Luzon, Samar, Leyte at Mindanao.

Ito ang pinakamalaking uri ng agila kung pag-uusapan ang lapad at sukat. Tinatawag ito noong monkey-eating eagle dahil sa obserbasyon na ito'y nangangain lamang ng unggoy subalit sa  patuloy na pag-aaral napatunayan na hindi lamang iisa ang uri ng hayop na kinakain nito.

Dahil sa pagiging katutubo nito sa ating bansa at sa rilag nito sa himpapawid, ang haribon ay opisyal na idineklarang Pambansang Ibon ng Pilipinas ni dating Pangulong Fidel V. Ramos noong ika-4 ng Hulyo 1995.*

*source

Biyernes, Pebrero 8, 2019

Pambansang Sayaw: Cariñosa


Itinuturing na Pambansang Sayaw ng Pilipinas ang Cariñosa na isang uri ng katutubong indak na impluwensiya ng mga Kastila.

'Ang Malambing' ang literal na salin ng pangalan nito sa Filipino, mula sa salitang cariño (Kastila) o lambing. Ipinapakita sa sayaw na ito ang tila pagtataguan ng magkapareha gamit ang abaniko at pañuelo o panyo na nagpapahiwatig ng pagkagiliw nila sa isa't isa.



Linggo, Pebrero 3, 2019

Pambansang Hiyas: Perlas

Philippine pearl

Taong 1996 nang idineklara bilang pambansang hiyas ng ating bansa ang Philippine Pearl (na kilala rin sa tawag na South Sea Pearl) ni Pang. Fidel V. Ramos.*

Kilala ang Philippine Pearl bilang isa sa mga pinaka-pambihira na uri ng hiyas dahil ang mga ito ay galing sa gold-lipped na Pinctada maxima, isang uri ng south sea pearl oyster na nakalilikha ng kulay ginto na perlas.*

Pambansang Sapin sa Paa: Bakya

Bakya mo Neneng, luma at kupas na,
ngunit may bakas pa ng luha mo sinta,
sa alaala'y muling nagbalik pa
ang dating kahapong tigib ng ligaya.*

Filipino traditional wooden clog

Karaniwang sapin sa paa ng mga Pilipina noong unang panahon ang bakya na lalong naging tanyag noong panahon ng mga Amerikano. Gawa ito sa kahoy na pinasadya ayon sa sukat at hugis ng magsusuot nito. Angkop itong gamitin lalo kung kinakailangang lumakad sa maputik o basang lansangan dahil sa tibay at disenyo nitong nakaangat sa lupa.

Sa gitna ng popularidad nito, itinuring itong simbolo ng masa; subalit sa pagdaan ng panahon ang salitang bakya ay nagkaroon ng ibang pakahulugan na maaaring tumutukoy sa pagiging 'baduy' o kulang sa antas ng kalidad.

Gayunpaman, ang bakya ay kumakatawan pa rin sa kultura ng mga Pilipino, ng pagiging malikhain at matibay anupaman ang kinakaharap.


Sabado, Pebrero 2, 2019

Pambansang Prutas: Mangga

Bugtong: Pusong bibitin-bitin,
mabangong parang hasmin,
masarap kanin.
mango

Matamis at masarap na prutas ang mangga at maraming uri nito ang matatagpuan dito sa Pilipinas. Hugis puso rin ito na tila sumasalamin sa pagiging mapagmahal nating mga Pilipino. 

Galing ang pangalan nito sa salitang Malayalam na māṅṅa (o mangga)*Ang manggang kalabaw na katutubo sa ating bansa ay tanyag hindi lamang sa buong kapuluan kundi sa labas ng bansa lalo't hinirang ito na pinakamatamis sa buong mundo sa Guiness Book of World Records noong taong 1995.*

Tinuturing naman na mango capital ng Pilipinas ang Guimaras sa rehiyon ng Western Visayas. Kilalang world-class at pinakamatatamis ang uri ng kanilang mangga na sinasabing naihain na sa White House at Buckingham Palace

Linggo, Enero 27, 2019

Pambansang Bulaklak: Sampaguita

Sampaguita ng aming lipi
bulaklak na sakdal yumi
Ikaw ang mutyang pinili
Na sagisag ng aming lahi,

~hango sa awiting 'Sampaguita' katha ni Dolores Paterno*
isinalin sa tagalog ni Levi Celerio

Jasminum sambac


Dahil sa busilak nitong kulay at halimuyak, ang sampaguita ang itinanghal bilang opisyal na pambansang bulaklak ng Pilipinas noong taong 1934.

* source

Biyernes, Enero 25, 2019

Pambansang Bahay: Bahay Kubo

Bahay kubo, kahit munti
ang halaman doon ay sari-sari...
~hango sa katutubong awit na Bahay Kubo

Nipa Hut
Payak man at munti ang bahay kubo, ito naman ang angkop na tirahan para sa klima at pamumuhay ng mga Pilipino kung kaya't ito ang pambansang bahay ng Pilipinas.

Hango ang pangalan nito sa salitang Kastila na cubo na kapag sinalin sa Ingles ay cube. Ito ang naging tawag dito ng mga Amerikano noong panahon ng kanilang pananakop dahil sa parisukat nitong istruktura na naglalaman lamang ng iisang silid na mayroong pinto at bintana.

Tinatawag itong Nipa Hut sa Ingles dahil ito ay gawa sa nipa at kawayan. Dahil doon ay presko at maaliwalas ang bentilasyon nito sa panahon ng tag-araw. Nakaangat ang sahig nito sa lupa upang magsilbing proteksyon naman sa mga baha na karaniwan sa ating bansa sa panahon ng tag-ulan.

Kung sakaling kailangang lumipat ng lokasyon ang pamilya, pagtutulungang buhatin ito ng mga kalalakihan sa komunidad na tinatawag na bayanihan. Kung mayroong masisirang bahagi, madali lang itong palitan at ayusin dahil sagana ang kanayunan sa mga materyales para dito.


Miyerkules, Enero 23, 2019

Pambansang Isda: Bangus

milkfish (Chanos chanos)

Pambansang isda ng Pilipinas ang bangus, sinasabing dahil ito sa pagiging matinik nito na siyang inihahalintulad sa ating mga Pilipino.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...